Public school teacher sa Agusan Del Sur, patay sa saksak

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 11:08 PM | Updated as of Nov 28 2018 07:48 AM

BAYUGAN, Agusan Del Sur- Patay ang isang public school teacher nang matagpuan sa loob ng kaniyang tinitirahang bahay sa Purok 24, Barangay Poblacion, sa lungsod na ito pasado ala-1 ng hapon Huwebes.

Nakahandusay sa kusina ng kaniyang bahay si Nalson Orajay, 48, isang guro sa Bayugan National Comprehensive High School.

Ang mga kasamahan sa eskwelahan ni Orajay ang nakadiskubre na patay na siya sa loob ng kaniyang bahay nang pinuntahan nila siya dahil hindi siya pumasok.

Ayon sa imbestigasyon, napansin ng mga kapitbahay na may iilang tao ang labas-masok sa bahay ng biktima Miyerkules ng gabi.

Huling lumabas ang ilang lalaki pasado ala-1 na ng madaling araw sakay ng isang motorsiklo.

Nagtamo ng saksak sa kaniyang leeg at sa iba pang parte ng katawan ang biktima.

May nakuhang t-shirt at tsinelas ang pulisya sa crime scene na posibleng pagmamay-ari ng salarin.

Maaaring pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil nawawala ang laptop, cellphone at pera ng biktima.

Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon at pagtukoy sa mga pumaslang sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.