Paghahain ng demolition order sa Davao, muntik mauwi sa tensiyon

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 11:12 AM

Tuluyang giniba ng demolition team ang isang bahay na tinitirahan ng 6 na pamilyang ilegal na umukupa sa lupang pagmamay-ari ng iba sa Davao City.

DAVAO CITY - Muntik nang magkagulo matapos na tumanggi ang 6 na pamilya na lumikas sa paghahain ng demolition order sa Barangay 20-B.

Ihinain ni Sheriff Richam Eroy ang court order para paalisin ang mga naninirahan sa bahay na gigibain sa lugar. Ilegal umanong inukupa ng 6 na pamilya ang lupa na pagmamay-ari ng pamilya Yeo. 

Humihingi ng 3 araw ang mga residente para sila na mismo ang gigiba sa bahay pero tumanggi ang sheriff dahil noong isang taon pa umano pinadalhan ng notice ang mga residente.

Dahil walang maipakita na temporary restraining order ang mga residente, nakiusap na lamang sila na sana ayusin na lang ang pag-demolish sa kanilang bahay para magamit pa nila ang mga materyales sa pagpatayo ng kanilang bagong lilipatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.