Mga katutubo nag-rally sa Crame vs martial law sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 02:27 PM | Updated as of Nov 26 2018 07:59 PM

MAYNILA - Kinondena ng grupong binubuo ng mga katutubo ang pagpapatuloy ng batas militar sa Mindanao, na anila'y nagiging mitsa ng ilang mga pang-aabuso.

Sa protestang pinangunahan ng grupong Katribu sa harap ng Kampo Crame ngayong Huwebes, binanatan din ng mga katutubo ang pagbabansag na terorista sa mga komunista.

Ayon kay Kerlan Fanagel, miyembro ng Lumad council, maraming katutubo sa kanayunan ang pinagbibintangan umanong kasapi ng New People's Army at hina-harass hanggang lumikas sila. 

Panawagan nila na tapusin na ang martial law sa Mindanao at ihinto ang pagpapakalat ng mga sundalo sa mga lalawigan, lalo na sa lugar ng mga katutubo.

Nitong Disyembre 2017 lamang, inaprubahan ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin pa ang martial law sa Mindanao hanggang sa dulo ng 2018.

Hiniling ito ni Duterte dahil sa umano'y mga grupong nagbabalak umatake matapos mabawi ng gobyerno ang Marawi mula sa mga teroristang umokupa dito nang may 5 buwan. -- ulat mula kina Joyce Balancio at Henry Atuelan, ABS-CBN News