Magkumpadre, nagsaksakan dahil sa kalasingan sa Ilocos Norte

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 07:21 PM | Updated as of Mar 15 2018 07:47 PM

Sugatan ang 2 lalaki matapos magsaksakan dulot ng kalasingan sa Barangay 7, bayan ng Sarrat, Ilocos Norte Miyerkoles.

Inoobserbahan ang kalagayan ng 44 anyos na si Edie Aguilar matapos magtamo ng saksak sa tagiliran at tiyan.

Kinilala naman ang suspek bilang isang alyas Jose na sumuko sa pulisya sa Laoag city. Nagtamo siya ng sugat sa kaliwang kamay.

Ayon sa imbestigasyon, nag-iinuman ang 2 sa isang lamay nang magkaroon sila ng di pagkakaunawaan.

Umuwi ang biktima pero hinarang ng suspek at pinagsasaksak.

"Mayroon raw silang old grudge kaya nu'ng umuwi na 'yung biktima sinundan at hinarang ng suspek na may dalang kutsilyo," ania ni Chief Insp. Roldan Suitos, hepe ng Sarrat police.

Hindi narekober ang kutsilyo.

Depensa naman ni Jose, inagaw niya ang kutsilyo ng biktima at ipinagtanggol lamang niya ang kaniyang sarili matapos siyang saksakin sa kamay ng biktima.

Pinag-aaralan ang reklamong isasampa sa suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.