Libreng tuition sa college, simula na sa Hunyo: CHED

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 10:49 AM | Updated as of Jan 22 2020 04:52 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Ipatutupad na ngayong Hunyo ang libreng tuition at miscellaneous fee para sa mga estudyante ng state universities and colleges (SUCs), local universities at colleges (LUCs) at mga technical-vocational institutions (TVIs).

"Doon sa universities and colleges, sa June dahil ang school year ng marami ay June nagsisimula. Sa ngayon, covered na sila nung P8-billion free tuition so sa June ang madadagdag sa marami ay yung libreng miscellaneous fees," paliwanag ni office-in-charge Prospero de Vera ng Commission on Higher Education (CHED).

Ito ay matapos na mailabas na ng komisyon ang implementing rules and regulations (IRR) para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017.

Agosto ng nakaraang taon nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bill hinggil sa libreng matrikula sa SUCs.
 
Ayon kay De Vera, nakatakda na silang mag-ikot sa buong Pilipinas para ipaliwanag ang IRR.

Para maging kwalipikado sa libreng matrikula at miscellaneous fee, dapat ay nakapasa ang estudyante sa admission at retention requirement ng eskuwelahan, wala pang undergraduate degree at hindi overstaying student.

Binanggit din niya na wala na umanong income requirement na kinakailangan para maging kwalipikado sa libreng matrikula.

"Binago natin ang ating pilosopiya sa edukasyon. Noon kasi lahat magbabayad, yung nangangailangan ng tulong bibigyan ng scholarship ng pamahalaan,” sabi niya.

Aniya, ang ipinapairal ngayon na pilosopiya ng administrasyong Duterte ay libreng edukasyon para sa lahat.

"Yung mga mangangailangan pa ng dagdag na ayuda, mahihirap na estudyante, bibigyan ng pamahalaan ng dagdag na ayuda," sabi niya.

Ang income requirement ay papasok lamang para sa mga mangangailangan ng dagdag tulong mula sa pamahalaan.

"P40,000 pag ikaw ay nagaral sa state university at P60,000 pag nagaral sa private university. Ito ay nakareserba sa mahihirap na kababayan natin," sabi niya.

Hindi umano ibibigay ang stipend ng buo. Hahatiin ang kabuuang stipend sa loob ng 10 buwan, ayon kay De Vera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.