Kumakandidatong kagawad patay sa pamamaril sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 04:01 PM | Updated as of Jan 23 2020 03:11 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Patay ang isang kumakandidatong kagawad matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Sta. Cruz sa Antipolo, Miyerkoles ng hapon. 

Kinilala ang biktima na si Rufino Merca, presidente ng homeowners, na binaril nang lumabas ito mula sa isang pagpupulong kasama ng kanyang mga kaalyado. 

Ayon kay Kagawad Bobet Tenorio, na tatakbong kapitan sa na-postpone na barangay elections, nakarinig sila ng mga putok ng baril nang lumabas ang biktima para kunin ang jacket sa kotse.

Politika ang tinitingnan ng mga kaanak ng biktima na motibo sa pagpatay kay Merca, lalo't may ilang banta sa buhay na rin itong natanggap. 

Anila, nitong nakaraang linggo lamang ay inikutan umano ang bahay ni Merca at tila minamanmanan ng dalawang lalaking nakatakip ang mukha at nakamotorsiklo. 

Tingin naman ni Oscar Tamayao, kapitan ng barangay, posibleng pagpapautang ang motibo sa pagpatay. Aniya, minsan ay nanggigipit umano si Merca sa mga di agad makabayad sa kanya. 

Iniimbestigahan na ng pulisya ang krimen.

Labis naman ang pangamba ng mga residente dahil sa mga insidente ng pamamaril sa lugar. Kamakailan lang, napatay ang isang pinuno ng sitio sa barangay dahil umano sa awayan sa lupa. 

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.