Ilang panuntunan kapalit ng libreng matrikula, kinontra

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 07:55 PM | Updated as of Jan 22 2020 05:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinondena ng ilang youth at student group nitong Huwebes ang ilang panuntunang inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) kapalit ng pagbibigay ng libreng edukasyon sa mga pampublikong eskuwelahan at unibersidad.

Kabilang sa mga tinutulang patakarang nakapaloob sa implementing rules and regulations (IRR) para sa pagpapatupad Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 ay ang return-service policy at no-open-admission policy.

Sa ilalim ng return service, obligado ang mga mag-aaral na makapapasok sa State Universities and Colleges (SUC) at Local Universities and Colleges (LUC) na magbigay ng serbisyo sa pinasukang paaralan.

Lilimitahan naman ang bilang ng mga estudyanteng makapapasok sa mga SUC at LUC sa ilalim ng no-open-admission policy.

Pero ayon sa CHED, kailangang pahigpitin ang admission o pagtanggap ng mga mag-aaral para hindi masakripisyo ang kalidad ng edukasyon sa mga SUC at LUC.

Ginugunita rin ng protesta ang ikalimang anibersaryo ng pagkamatay ni Kristel Tejada, ang University of the Philippines (UP) Manila student na nagpakamatay dahil sa kabiguang makapagbayad ng matrikula.

Upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa ilang probisyon ng IRR, pinagbabato ng pintura ng grupo ng mga mag-aaral at kabataan ang harap ng tanggapan ng CHED. 

Sa ngayon, may 80 SUC at mga kinikilalang LUC ang maaaring magbigay ng libreng matrikula at miscellaneous fees sa papasok na academic year sa Hunyo.

Pero may ilang SUC at LUC ang hindi napasama sa listahan dahil kailangan munang magpa-accredit sa CHED.

Nanawagan naman si Sen. Bam Aquino na dapat unahing isauli ang nakolektang matrikula at miscellaneous fee noong ikalawang semestre ng school year 2017-2018.

Pinagpapaliwanag din ang CHED kung bakit hindi agad ipinatupad ang batas na epektibo pa noong nakaraang taon.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.