Ilang labor group, nagalit sa patuloy na kawalan ng reglamento vs. 'endo'

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 08:26 PM | Updated as of Jan 22 2020 05:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sumugod ang mga demonstrador sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros para kondenahin ang umano'y hindi pagtupad ni Pangulong Rodrigo Duterte at DOLE sa pangakong wakasan ang contractualization sa bansa.

Sa halip na huminahon, lalo pang nagalit ang mga miyembro ng mga labor group nang harapin sila ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa gitna ng kanilang kilos-protesta kontra "endo" nitong Huwebes sa Intramuros, Maynila.

Endo o "end of contract" ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim sa mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang sa trabaho nang sa gayo'y hindi sila maging regular at magkaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa.

Bumaba si Bello mula sa kaniyang opisina para harapin ang mga demonstrador subalit hindi siya pinagbigyang makapagsalita sa rally.

Nitong Huwebes ang napagkasunduang deadline para pirmahan ni Duterte at Bello ang executive order (EO) na tuluyang magbabawal sa endo.

Pero para sa mga demonstrador, tila hindi ito binibigyang pansin ng pamahalaan.

"Nagbe-betray sa interest ni Secretary Bello na may pagkiling siya sa kapitalista," ani Kilusang Mayo Uni Chairperson Elmer Labog.

Sa panayam, sinabi ni Bello na ang mga mambabatas at hindi ang DOLE ang may kakayahang ipagbawal ang kontraktuwalisasyon.

"What they're advocating is not a regulation but a total prohibition, which [DOLE] cannot do... it's only Congress who can do it," ani Bello.

Ayon kay Bello, inaasahang mas mahigpit sa mga kompanya, contractor, at sub-contractor ang EO na nakatakdang ipatupad.

Mas magiging malinaw rin aniya kung ano-anong mga trabaho ang papayagang maging kontraktuwal at hindi sa ilalim ng batas.

"'Yong mga allowed by law like 'yong mga security guard, by law they can be outsourced sa agencies, mga janitor," sabi ni Bello.

Matapos ang rally sa harap ng DOLE, nagpunta sa Mendiola ang mga demonstrador para ipagpatuloy ang kanilang protesta.

Bukod sa Maynila, nagprotesta rin ang ilang manggagawa nitong Huwebes sa Bacolod at Cebu.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na hindi tinatalikuran ni Duterte ang pangakong tatapusin na ang kalakaran ng endo sa mga trabaho.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, tinitimbang lang ni Duterte ang usapin, at maiging pinag-aaralan ang panig ng mga manggagawa gayundin ang mga employer at mga namumuhunan sa negosyo sa bansa.

"I don't think he [Duterte] has retreated. He has asked for more time to study the matter, and that's what he is doing now," pahayag ni Roque sa isang news conference sa Malacanang.


-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.