2 anyos, patay nang maiwan ng 4 na oras sa loob ng kotse

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 07:26 PM

Namatay ang 2 anyos na babae sa Malaysia matapos maiwan sa loob ng kotse ng kaniyang ina Miyerkoles, Marso 14.

Base sa ulat ng The Star Online, pinaniniwalaang nasawi dahil sa heatstroke ang bata.

Natagpuan ng inang si Hasmah Masroh ang kaniyang anak na si Nur Awfa Humaisha' Muhammad Ali Riduan na walang malay sa loob ng kotse kung saan naiwan ang nene sa loob ng 4 na oras.

Nagtuturo sa isang kolehiyo ang ginang at tila nawaglit sa isip na nasa kotse ang kaniyang anak.

Nagmadali pa raw ang ginang na balikan ang anak nang maalalang nasa loob pa ng kotse ang bata.

Isinugod pa rin ng nanay sa ospital ang kaniyang inabutang walang malay na anak, pero kalauna'y idineklarang patay na ang bata.

Iimbestigahan ang insidente kung maituturing na kaso ng child abuse.

Maaaring makulong ng hanggang 10 taon at pagmultahin ng RM20,000, o katumbas ng nasa P266,000, ang mapatutunayang may sala.

-- Isinalin mula sa ulat ng The Star Online

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.