Mahigit 40 barker sa Bacolod City, hinuli ng mga pulis

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2017 05:59 PM

BACOLOD CITY — Mahigit 40 barker ang inaresto ng Bacolod Traffic Authority Office dahil sa paglabag sa Anti-Barker Ordinance ng lungsod.

Hindi alam ng mga barker na mga pulis pala ang nakasakay sa isang pampasaherong jeep nang arestuhin sila sa Bacolod City Martes.

Ilang beses na umano silang binalaan na iligal ang pagiging barker dahil sa ordinansang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan, ngunit hindi pa rin sila natinag kaya isinagawa na ang pag-aresto sa kanila.

Ang iba sa mga nahuli ay nagpapasakay ng mga pasahero habang ang iba naman ay nahuli sa aktong nagtatawag ng pasahero. Mayroon ding iba na gumagamit pa ng pito.

Kabilang sina Noel Cotez at Eduardo Sausa sa mga naaresto. Ayon sa kanila, sa pagbabarker sila kumukuha ng pambili ng pagkain at bigas araw araw.

Ayon naman sa pamunuan ng Bacolod Traffice Authority Office na si Supt. Luisito Acebuche, mas malaki pa ang kinikita ng mga barker kaysa sa mga jeepney driver kahit na mas madali ang trabaho nila.

Kasalukuyang nakadetine sa iba't ibang istasyon ng pulis ang mga nahuling barker. Mga pasahero at drayber rin umano ang nagsilbing complainant laban sa kanila.