Batang nangangalakal nawawala matapos mahulog sa estero

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2017 04:48 PM

MANILA - Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga rescuer at taga-barangay sa isang batang nahulog sa isang estero sa Caloocan Martes. 

Mahigit isang araw nang nawawala ang 12 taong gulang na si John Michael Ong matapos mahulog sa estero.

Kwento ng mga nakakita, kasagsagan ng ulan nang mangyari ang insidente. Naliligo sa labas si Ong at nagpunta malapit sa estero. Nawalan siya ng balanse habang may inaabot na kalakal sa estero.

Sa lakas ng agos ng tubig, hindi na nakaahon pa ang biktima.

Magdamag hinanap ng mga opisyal ng barangay ang bata pero hindi siya nakita.

Panganay si Ong sa anim na magkakapatid. Huminto siya sa pag-aaral para mangalakal na lang, dala na rin ng kahirapan.

Makipot at madulas ang daanan malapit sa estero. Wala rin itong harang kaya delikado sa mga residente.

Paalala ng barangay sa mga magulang, bantayan ang kanilang mga anak at huwag nang papuntahin sa may estero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.