PatrolPH

Pamilya ng 4 namatay sa bumagsak na Cessna, nananawagan ng tulong

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2023 08:07 PM

Watch more News on iWantTFC

Matapos makarating na sa Cauayan City, Isabela ang mga labi ng piloto at mga pasahero ng bumagsak na Cessna 206 plane kanina, plano na ng ilang kamag-anak na dalhin na ang mga labi pauwi ng probinsya.

Pero namomroblema ang pamilya Kamatoy, na namatayan ng 4 sa 5 pasahero, dahil sa gagastusin sa burol at libing pagkahatid ng mga labi sa Cavite.

Ayon kay WIlma Kamatoy, ang 63-anyos na nanay ng namatay na si Val Kamatoy at lola ng 3 iba pang pasahero, tinatayang aabot ang gastusin nila ng P800,000 kaya nanawagan sila ng tulong pinansyal.

Nauna nang sinagot ng operator na HML Company ang gastos sa kabaong at pagbiyahe ng mga labi pauwi.

“Di po kami natulungan sa libing. ‘Yon lang sana po hinihiling namin. Hindi na raw kasi sila magbibigay. Malaki na daw po ang gastos nila, ‘yong pang-down pinoproblema namin,” sabi ni Wilma sa panayam sa telepono.

Nagbigay naman ang provincial government ng Isabela ng ayudang P250,000 kada biktima.

Giit ng kampo ng operator, ginawa nila ang lahat para matulungan ang pamilya ng mga sakay ng eroplano.

Kasama na rito ang pagbiyahe nila papuntang Isabela at tutuluyan habang hinintay ang pagrekober sa eroplano na tumagal ng 44 araw.

Sabi ni Atty. Gilbert Bautista, HML legal counsel, sisikapin din nila makapag-abot ng dagdag na tulong sa mga pamilya.

“On all the fair treatment na they expect, naibigay, except for this, for the sole reason na nag-meet kami the other night, hindi ko napa-approve and hindi ko ma-convene ulit for purposes of approval, but I’ll try,” sabi ni Bautista sa panayam sa telepono.

Ayon sa abogado ng operator, isinailalim na sa autopsy ang labi ng piloto ng Cessna plane bago iuwi sa Nueva Ecija.

Nakatakda naman dalhin sa Cagayan province ang labi ng isa pang pasahero na si Perla España

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.