BERLIN - Ipinakilala sa mga Aleman ng Philippine Embassy, Filipino Community sa Berlin kasama ang San Diego Filipino Film Festival ang nakalimutang sining ng harana sa pamamagitan ng pagtatanghal ng pelikulang Harana: The Search for the Lost Art of Serenade ni Benito Bautista noong February 26 sa Katolische Kirchengemeinde Heilig Geist (Catholic Parish of the Holy Spirit).
Inorganisa ang screening para sa selebrasyon ng Philippine National Arts Month (Buwan ng Sining) nitong Pebrero.
Berlin PE photo
Ang pelikula ay tungkol sa nakalimuntan harana, isang anyo ng panliligaw o panunuyo na naging bahagi ng kulturang Pilipino, lalo na sa mga lalawigan.
Sa docufilm may tatlong musikerong hinahanap ang mga nalalabing ‘master haranistas’ ng Pilipinas upang muling buhayin ang magandang tradisyon ng mga Pilipino.
“Through this endeavor, we also wish to encourage collaboration among Filipino artists around the world in our common goal to promote our culture,” saad ni Minister Mary Luck Hicarte sa kanyang talumpati.
Diin ni Hicarte, napakahalaga ng pelikula dahil ito’y sumasalamin sa kultura at kagawian ng ating mga ninuno.
Ayon kay Director Benito Bautista: “Harana “is a love letter to our people.”
Layon daw ng pelikula na ma-preserba ang sining ng hanara at bago maglaho bilang tradisyon nating mga Pilipino. Pumukaw sa isipan ng mga nanood ang ganda ng sining ng harana hindi lang sa mga Pilipino kundi sa mga Alemang nakapanood.
Dagdag ni Baustista, ang "Harana: The Search for the Lost Art of Serenade" ay isang pelikulang nagpakilala muli sa tradisyong nakalimutan na ng makabagong Pilipino.
Ito rin ay naghihimok sa bawat isa na ipreserba ang lumang kulturang Pilipino sa likod ng epekto ng globalisasyon sa mga katutubong tradisyon.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Germany, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.