Mag-amang taga-San Pablo, Laguna ang nakasungkit sa P11.6 million jackpot sa 6/45 MegaLotto noong ika-27 ng Pebrero 2023, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office. Retrato mula sa PCSO Facebook page.
MAYNILA - Isang mag-ama mula San Pablo, Laguna ang nakasungkit ng jackpot prize na P11.6 million sa 6/45 MegaLotto draw noong Pebrero 27, sabi ngayong Martes ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
"Yun pong mga numbers na itinaya ng Daddy ko ay mga dates po ng mga birthdays po namin at age ko po which is 35", pahayag ng anak, ayon sa PCSO.
Ang winning combination sa nasabing draw ay 25-4-11-35-15-09. Nasa P11,631,365.60 ang kabuuang prize, pero papatawan ito ng 20 percent tax sa ilalim ng TRAIN Law.
Kuwento umano ng ama, dalawang beses siyang tumaya ng parehong lucky numbers at naisip niyang ibigay ang isang ticket sa anak.
"Meron akong pinuntahan sa may Plaza. Tumaya ako ng 1 p.m. Tapos, pagbalik ko sa sasakyan ko bandang 3 p.m., tumaya ulit ako ng parehong number. Pag-uwi ko sa bahay, ibinigay ko sa kaniya (pertaining to his son). Sabi ko, 'Tig-isa tayo. Kapag tumama, hati tayo',” anang ama.
Kinuha ng mag-ama ang napanalunang premyo noong ika-28 ng Pebrero sa tanggapan ng PCSO.
“Ide-deposit muna po namin sa bangko kasi paalis po sila Daddy this April. Pupunta po sila ni Mommy sa mga kapatid ko po sa Canada. Siguro, pagbalik nila next year, dun na po namin iisipin kung ano po gagawin sa pera," sabi ng anak.
"But basically, it is for our family's future."
Ayon sa PCSO, 30 porsyento ng kita ng ahensya ang napupunta sa iba’t ibang charitable programs nito, katulad ng Medical Access Program, Calamity Fund, at Patient Vehicle Donation Program. - Ian Jay Capati, ABS-CBN News Intern
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.