MAYNILA - Nanawagan ang ina ng 4 batang pinaslang ng kanilang amain sa Cavite ng tulong para maipalibing ang mga namatay na anak.
Kailangan ngayon ni Virginia Dela Pena ng P150,000 para maipalibing ang mga anak na sina Princess, Bianca, Jaclyn Coy, at Conrado na pawang pinaslang ng amain sa Trece Martires noong Marso 9.
May natanggap naman daw siyang tulong sa gobyeno pero hindi raw ito sasapat sa P150,000 na kakailanganin.
Nanawagan naman siya at naiwang anak na si Brenda Chavez sa pamilya ng dalawang dating kinakasama na tumulong.
"Sana kung may kulang man dadagdagan nila dahil pare pareho naman kaming namatayan," ani Dela Pena.
Inaasikaso naman ng Department of Social Welfare and Development ang karagdagang tulong sa pagpapalibing, bukod pa sa unang naibigay na P40,000 financial assistance ng ahensiya.
"Ang maximum naman po ng DSWD ay 50,000 pero titignan pa po natin kung ano kulang diyan. Kung ang babayaran niya ay umabot o lagpas kasi nga maximum 50k pero kung 20k lang eh depende kung magkano pa kulang nila," ani DSWD - Calabarzon Regional Director Barry Chua.
Una na ring sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration head Arnell Ignacio na higit P50,000 financial assistance ang ibibigay sa pamilya.
Nagmakaawa naman si Dela Pena sa mga dalawang dating kinakasama na tigilan na umano ang paninisi sa kaniya kung bakit nawala ang kanilang mga anak.
Setyembre 2022 nang mag-alsabalutan sa Batangas si Dela Pena dahil sa hindi pagkakaunawaan sa dating kinakasama.
Nanirahan siya sa Cavite dala ang apat na bata kasama ang bagong nobyo.
Matapos ang 2 buwang pagsasama, umalis si Dela Pena pa-Saudi at pinaaalaga ang mga bata sa nobyo.
"[Sabi raw] Hindi raw mamamatay ang bata kung hindi ako naglandi sa ibang lalaki. Walang may gusto sa buhay na to. Samantalang noong mga buhay pa inetsapwera kami."
Minsan lang bumisita sa burol ang unang kinakasama ni Virginia na si Oliver, ama ni Princess.
Pero ang ama nina Bianca, Jaclyn Joy, at Conrado na si Conrado Bisa, wala na umanong sama ng loob sa dating karelasyon.
"Sa panahon na to wala na po ako magiging mensahe, nangyari na po yun, napatawad ko na rin siya," ani Bisa.
Abril na babalik ng Saudi si Virginia at sasailalim muna sa psychosocial intervention.
Inaasikaso na rin ng OWWA ang scholarship na maaaring ibigay sa natitirang anak.
-- Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.