Tinanggap noong Marso 1, 2023 ng isang dating waiter ang P75.2 million jackpot prize sa 6/55 Grand Lotto na kaniyang napanalunan noong ika-27 ng Pebrero, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office. Retrato mula sa PCSO Facebook page
MAYNILA - Isang dating waiter na naghahanap ng bagong trabaho ang nanalo sa 6/55 Grand Lotto draw noong ika-27 ng Pebrero na may premyong P75.2 million, sabi ng Philippine Charity Sweepstakes Office ngayong Martes.
“Minsan waiter, madalas dishwasher. Pero hindi na sapat ang kita kaya nag-resign na po ako at nagbakasakali na humanap ulit ng panibagong trabaho. Pero higit pa sa trabaho ang ibinigay ng Panginoon ngayon,” sabi umano ng masuwerteng mananaya sa inilabas na pahayag ng PCSO.
Kuwento umano ng 49 anyos na lotto winner, masuwerte niyang tinamaan ang 09-08-05-01-30-52 winning combination mula sa mga phone numbers sa kaniyang contact list.
Binili niya ang ticket sa Novaliches, Quezon City.
Halos 25 taon na umano siyang tumataya sa lotto, at nakatama na nang dalawang beses sa limang winning digits.
"Madalas naman, hindi rin ako nakakataya kasi walang budget. Pero hindi po ako nawawalan ng pag-asa dahil alam kong may swerte pa ring darating sa atin. At ito na nga po yun," aniya.
"Ngayon, napakalaking pera nitong hawak ko at ang magiging trabaho ko ay gamitin ito nang tama. Negosyo at lupa po siguro ang uunahin ko at itutulong ko rin po sa mga kamag-anak ko,” dagdag niya. - Bryan Gadingan, ABS-CBN News Intern
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.