PatrolPH

Canvassing kaugnay ng Palawan plebiscite nagsimula na

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2021 08:45 PM

Watch more on iWantTFC

Nagsimula na ang provincial canvassing kaugnay ng plebisito sa planong paghahati sa Palawan matapos dumating ang certificate of canvass (COC) mula sa 2 bayan.

Alas-2 ng hapon nagsimulang buksan ng provincial board of canvassers ng Commission on Elections (Comelec) ang ballot box na naglalaman ng mga boto mula sa katimugang bahagi ng Palawan.

Sa bayan ng Narra, panalo ang "no" sa higit 16,000 boto kompara sa "yes" na higit 6,000.

Sa Brooke's Point, halos dikit ang laban pero lamang ang "no" na higit 12,000 at "yes" na may higit 11,000.

Dalawampu't isang COCs pa ang hinihintay para sa kabuuang 23 bayang magpapasya kung hahatiin ang lalawigan sa Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur.

Tiniyak naman ng Comelec na handa itong aksiyunan ang pahayag ng National Citizens' Movement for Free Elections noong Sabado na may vote buying na nakita mismo ng isa nilang observer.

Sa larawang ibinigay ng observer sa ABS-CBN News, kita ang 2 sobreng may tig-P200 at dokumentong mukhang election paraphernalia.

Pero may petsa itong Mayo 11, 2020 na orihinal na araw ng plebisitong na-postpone dahil sa COVID-19 pandemic.

"We want this addressed immediately. If possible, get in touch, 'yong volunteer concerned... identify people involved and file a case," ani Comelec Commissioner Antonio Kho.

Ayon pa sa Comelec, mataas ang voter turnout na 49 porsiyento kompara sa ibang mga plebisito.

Tiniyak din ng Comelec na matatanggap ng mga gurong nagsilbing plebiscite committee members ang kanilang allowance.

"May processing time lang pero makukuha rin naman iyon," ani Comelec Spokesperson James Jimeenz.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.