DAVAO CITY - Anim na suspek ang nahuli sa pinagsanib na drug buy-bust operation ng awtoridad na nagresulta din sa pagkakakumpiska sa higit P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu, Sabado ng madaling araw.
Nakuha mula sa mga suspek na pinaniniwalaang miyembro ng Iligan Drug Group ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 315 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P2.14 million.
"More than a month na natin tinitingnan ito. Kanina, may nahuli tayo, 'yon ngayon ang humila sa kanila, tinatawag natin silang Iligan Drug Group, malakihan sila," ayon kay Behn Joseph Tesiorna, Assistant Regional Director ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Region XI.
"Ito 'yong pangalawang pinaka-malaking drugs na nahuli natin," dagdag naman ni Police Col. Kirby John Kraft ng Davao City Police Office.
Samantala, dalawang suspek naman ang naaresto Biyernes ng hapon dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga sa MacArthur Highway sa Matina.
Narekober mula sa kanila ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
shabu, Tagalog news, Regional news, Davao, buy-bust Davao, drug war, shabu, Iligan Drug Group