Bawas-pasahero sa PUVs itinakda sa gitna ng Metro Manila quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2020 05:49 PM

MAYNILA — Inilatag nitong Sabado ng Department of Transportation (DOTr) at mga sangay nito ang magiging patakaran kapag naipatupad na ang community quarantine sa Metro Manila simula Marso 15. 

Ipatutupad ang community quarantine sa Metro Manila simula Marso 15, Linggo at magtatapos sa Abril 14, Martes, bilang hakbang upang hindi kumalat ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa. 

TAXI AT RIDE-HAILING SERVICES

Ang mga taxi at Transportation Network Vehicle Service (TNVS) tulad ng Grab ay pahihintulutan lamang magsakay ng 4 na pasahero, kabilang na ang driver. Dapat din ay 1 seat apart o may isang pagitan sa bawat pasahero. 

UV EXPRESS

Ang mga UV Express naman, hanggang 6 lang ang puwedeng isakay kasama na ang driver. Dapat din ay 1 seat apart. 

JEEPNEY

Ang mga jeepney, kalahati lang ng karaniwang kapasidad ang dapat isakay at dapat din ay 1 seat apart. Wala rin dapat nakasabit. 

 BUS

Ang mga bus, hindi dapat lumagpas sa 25 ang sakay kasama ang driver at konduktor. Dapat din ay 1 seat apart at walang nakatayong pasahero. 

Inabisuhan ang mga jeep, bus, at UV Express na maglalabas-masok sa Maynila na sabihan ang kanilang mga pasahero na ihanda ang mga ID o ibang patunay na sa Metro Manila nakatira o nagtatrabaho. 

MOTORCYCLE TAXI

Ang pilot testing naman ng motorcycle taxis tulad ng Angkas ay suspendido.

TREN

Ang mga railways naman ay magbabawas din ng pasahero. Pananatilihin ang social distancing sa pila, sa loob ng istasyon, sa platform, at sa loob ng bagon.

Ang mga pasaherong may sintomas ng COVID-19 tulad ng lagnat ay hindi papapasukin. 

Ang bagon para sa mga babae, buntis, at senior citizens ay hahatiin pa para bigyan ng espesyal na espasyo ang mga senior citizens. 

Suspendido naman ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) mula Calamba, Laguna papuntang Alabang at vice versa. 

Sabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade, ang mga patakarang ito ay pansamantala lamang. 

"These protocols are temporary, the deeper we cooperate the faster we overcome," ani Tugade sa isang pahayag na binasa sa presscon. 

Kasalukuyang nasa self-quarantine si Tugade matapos ang exposure sa isang COVID-19 patient sa isang infrastructure event noong Marso 5. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.