Vice mayor ng Marawi, hindi pa rin malinaw ang kaugnayan sa siege

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 07:01 PM

MARAWI CITY - Hindi pa rin malinaw sa awtoridad ang kaugnayan ni Vice Mayor Arafat Salic sa nangyaring Marawi siege.

Ito'y sa kabila ng pagkakaaresto sa kaniya nitong Miyerkoles dahil sa pagkakasama ng kaniyang pangalan sa Martial Law Instruction number 1 na inilabas ng Department of National Defense noon Setyembre 2017.

Sa mug shots ng bise alkalde na inilabas ng PNP-ARMM, inaakusahan ito ng rebelyon.

Pero ayon kay 103rd Infantry Brigade Commander Colonel Romeo Brawner, hindi pa ito kaso kundi pagsunod lamang sa inilabas na order.

"Of course we will file the appropriate cases if ma-establish. Sa ngayon, 'di pa talaga na-establish that's why part of the process is 'yung pagkukuha natin ng statements ng mga witness and then the next step would be the inquest," ani Brawner.

Sumipot ang alkalde sa trabaho nitong Miyerkoles sa paniniwalang wala siyang kaso pero ayon sa militar, maliban sa order, may kaso rin itong murder, frustrated murder, at may kaugnayan sa ilegal na droga.

Nasa kustodya na ng pulis si Salic pero pansamantalang nasa kampo muna ng militar para maiiwas ito sa posibleng mga galit na biktima ng siege.

Isinailalim si Salic sa check-up at custodial debriefing. Bantay sarado ito ng mga pulis at kaanak sa loob ng function hall. Tumanggi ang mga kaanak na ipakausap ang bise alkalde at ang abogado nito pero giit nila, inosente si Salic.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.