Riding-in-tandem na nagpaputok sa gasolinahan, patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 08:19 AM | Updated as of Mar 14 2019 10:23 AM

MANILA -- Patay ang 2 lalaking magkaangkas sa motorsiklo matapos umano silang magpaputok ng baril sa gasolinahan at manlaban sa mga rumespondeng pulis sa Tayabas, Quezon, Huwebes ng madaling-araw.

Nagpakarga ng P100 halaga ng gasolina ang mga suspek sa PTT gas station pero tumangging magbayad, pinagmumura ang isang tauhan doon at pinagbantaang papatayin saka makailang ulit na nagpaputok ng baril, ani Lt. Col. Mark Laygo, hepe ng Tayabas police.

Pag-alis ng mga suspek, agad aniyang nakatawag sa mga pulis ang mga tauhan ng gas station at naharang ang 2 sa Barangay Calumpang, kung saan umano nakipagbarilan ang mga ito sa mga awtoridad.

Hindi pa nakikilala ang mga suspek pasado alas-7 ng umaga.

Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News