Pila sa rasyon ng tubig sa Mandaluyong inaabot ng madaling araw

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 11:38 AM

Inaabot na ng umaga ang pila sa rasyon ng tubig sa Barangka Drive, Mandaluyong City, na ngayon ay isang linggo nang apektado ng water interruption ng Manila Water. 

Ayon sa mga residente roon, isang linggo na silang walang tubig kaya nakaasa sila sa rasyon. 

Sa Kayumanggi Street, simula ala-1 ng madaling araw ay may mga nakapila na. Marami ang puyat dahil todo-bantay sa kanilang puwesto para hindi maunahan sa pila. 

Ang mga hindi na makahintay, dumayo na lang sa ibang barangay para makiigib o makiligo.

Sa sobrang desperado ng ilang taga-Mandaluyong, bawat dumadaan na bumbero ay pinapara nila para makiusap ng tubig.

Noong Miyerkoles ng gabi ay may namataang tanker ng Manila Water na dumaan sa Barangka Drive pero hindi umano nagbigay ng rasyon.

Ayon sa Manila Water, prayoridad nila ang mga ospital sa water distribution.

Minamadali na rin umano nila ang pagsasaayos sa kanilang infrastructure projects na na-delay para maibsan ang nararanasang kakulangan sa tubig. 

Sa susunod na linggo ay nakatakdang imbestigahan ng Senado ang ugat ng water shortage ng Manila Water. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.