Kawalan ng tubig, problema ng mga bombero sa San Mateo, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 10:26 PM

MAYNILA - Problema ngayon ng Bureau of Fire Protection ng San Mateo, Rizal ang supply ng tubig sa gitna ng dalawang insidente ng grass fire sa bayan nitong Huwebes.

Ayon kay San Mateo Fire Marshall Chief Inspector Ronnie Benedicto, unang sumiklab ang grass fire sa dating Metropolitan Manila Development Authority landfill sa Barangay Pintong Bocaue kaninang pasado alas-2 ng hapon.

Paalis na ang kanilang fire truck para kumuha ng tubig sa fire hydrant pero walang lumabas na tubig.

Alas-2 ng hapon kanina nang mawalan ng supply ng tubig mula sa Manila Water ang San Mateo.

Dakong 3:45 naman ng hapon nang magliyab ang damo sa dalisdis ng bundok sa paanan ng Timberland sa Barangay Guitnang Bayan Uno.

Pero pagtitiyak ng fire marshall, nasa 2 kilometro ang layo ng grass fire sa kabahayan sa Timberland.

Nakaantabay rin ang mga fire truck sakaling lumapit ang apoy.

Nakakuha na aniya sila ng tubig sa Marikina City pero ito ay standby supply lang sakaling lumapit sa kabahayan sa Timberland ang grass fire na nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan.

- ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.