Dialysis ng mga pasyente sapul sa water crisis sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 06:20 PM | Updated as of Mar 14 2019 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakadepende ang dialysis machines ng National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa tuloy-tuloy na agos ng tubig. 

Pero sa gitna ng ipinatutupad na water interruption ng Manila Water sa Metro Manila, may mga oras na putol ang suplay nito kaya nangangamba ang pamunuan ng ospital sa maaaring epekto nito sa kanilang serbisyo. 

"I just received info that our systems are down sa 20 percent. If we continue to do so, we won’t be able to continue to do dialysis. Right now we had to shut down cooling towers for all air conditioner. So the ambient temperatures are on the warm side," ani Dr. John Michael Jaro, director ng NKTI Ancillary Services.

Ang Quirino Memorial Medical Center (QMMC) naman, todo-bantay sa aparatong nagsusuplay ng tubig sa mga hemodialysis machine.

"Sa buong ospital binabantayan namin ito dahil kailangan nga nila ng continuous water na pina-process ng reverse osmosis. Pag nawala ito siyempre mahihinto 'yung mga hemodialysis," pangamba ni Raul Ramirez ng QMMC.

Sa pagtitipon nina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque at mga direktor ng NKTI, East Avenue Medical Center, Philippine Heart Center, at Lung Center of the Philippines, aminado ang gobyerno na hindi pa rin normal ang suplay ng tubig sa mga nabanggit na pagamutan. 

Ang mga ito ay sakop ng serbisyo ng Manila Water, na nahaharap ngayon sa shortage dahil sa El Niño at pagkaantala ng kanilang proyekto. 

Sabi ni Duque, dapat samantalahin ng mga ospital ang mga oras na meron silang tubig sa isinasagawang supply rotation.

"About 50 percent of their average daily requirement should be enough to sustain their operations," ani Duque. 

Para mas marami pang tubig ang matipid, iniutos na ni Duque na ipatupad ang isang bantay lang sa kada pasyente, bagay na mas paiigtingin ng NKTI.

"Pag maraming bantay, they also take a bath here. Hindi namin mapapanagutan lahat 'yun kasi pasyente ang priority. Dati na naming sinasabi sa mga pasyente 'yan but we tolerate naman. But now, we rally have to be strict sa one bantay only," ani Dr. Rose Marie Liquete, executive director ng NKTI. 

Nauna nang nangako ang Manila Water na prayoridad nila ang pagsusuplay ng tubig sa mga ospital at paaralan upang hindi maantala ang operasyon ng mga ito. 

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.