DepEd payag sa 'no uniform' policy sa gitna ng water shortage

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 02:33 PM | Updated as of Mar 14 2019 09:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(2ND UPDATE) Pahihintulutan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro at mag-aaral sa public elementary at high schools sa ilang bahagi ng Metro Manila na pumasok nang hindi naka-uniporme sa gitna ng nararanasang water interruption sa maraming lugar. 

Sa panayam kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, sinabi nilang nauunawaan daw nila ang naging epekto ng kawalan ng suplay ng tubig sa ilang bahagi ng National Capital Region. 

"We are flexible so that classes will still continue and for humanitarian reasons. We understand that water supply should be maximized and utilized for more relevant uses such as for food, hygiene," aniya sa ABS-CBN News. 

Una raw humirit nito ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong. 

"[We] allow or authorize non-wearing of uniform for students and teachers in public schools affected by the water supply shortage in NCR, particularly Mandaluyong which requested for such," dagdag niya. 

Maaari rin aniyang tularan ng mga pribadong paaralan ito. Pero ipinaalala ng DepEd na dapat magsuot ng ID ang mga guro at mag-aaral para sa kanilang seguridad. 

"Siyempre kung hindi na nakauniporme, mas magiging prone tayo na baka may papasok na hindi naman authorized," paliwanag ni Sevilla. 

Sinabi ng Civil Service Commission sa ABS-CBN News na maaaring ipag-utos ng mga LGU at lokal na sangay ng pamahalaan na huwag na munang mag-uniporme ang kanilang kawani. 

Ayon sa Manila Water, nasa 1.2 milyong kabahayan ang apektado ng kanilang kabi-kabilang water interruptions.

- Ulat ni Zhander Cayabyab at Ina Reformina, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.