Dating konsehal, 50 iba pa arestado sa Quezon dahil sa pagsasabong

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 02:21 AM

TIAONG, Quezon - Aabot sa mahigit 50 ang arestado nang salakayin ng pulisya ang isang ilegal na sabungan sa bayan ng Tiaong, Quezon Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa pulisya, pinuntahan nila ang sabungan at hinanapan ng permit ang mga nagsasabong dito, ngunit walang naipakitang permit ang mga ito.

Isang nagpakilalang dating konsehal ng bayan ang humarap at nagsabing mayroon silang permit mula sa alkalde ng bayan.

"Humarap sa akin naman si (dating) konsehal Val (Preza) at sinabi niya na ito ay may permit, approve kay mayor, mayor ng Tiaong," ayon kay Police Lt. Col. Eufronio Obong, hepe ng Tiang police.

Ngunit wala ring naipakitang permit si Preza.

Nakompiska mula sa sabungan ang 10 manok na panabong, mga kulungan at P10,000 taya sa sabong.

Aabot sa 51, kabilang si Preza, ang inaresto ng pulisya.

Bukod sa dating konsehal, pamangkin umano ng kasalukuyang alkade si Preza.

At large naman ang operator ng sabungan na malayong kamag-anak ni vice-mayor Romano Castillo.

Nilinaw rin niya na walang inaprubahang permit para sa nasabing sabungan.

Kasalukuyan pang hinihintay ng news team ang pahayag ng alkalde kaugnay ng insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.