Car wash business sa QC, umaaray na rin sa water interruption

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 12:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Umaaray na rin ang ilang negosyo tulad ng car wash sa kabi-kabilang water interruptions ng Manila Water.

Sa Quezon City, halos nalulugi na ang ilang car wash dahil nabawasan ang kanilang mga customer at may mga araw na matumal na ang nagpapalinas ng sasakyan.

“Maraming customer na kapag nalaman nilang walang tubig, hindi na sila tutuloy rito sa amin,” sabi ni Jimmy Nazareta, isang car wash boy.

Kaniya-kaniya rin ang diskarte ng ilang car wash boy para makatipid sa tubig.

Ayon sa kanila, ang isang drum na malaki na puno ng tubig kung dati ay para lang sa isang sasakyan, ngayon ay ipinagkakasya na nila sa dalawa hanggang tatlong sasakyan.

Ang iba naman ay nagipon na ng tubig na pang-dalawa hanggang tatlong araw.

May ilang car wash stations din sa lungsod ang napipilitang limitahan na lang ang bilang ng sasakyang lilinisin nila dahil sa kakulangan sa tubig.

“Papasok yung customer tatanggihan na lamang namin ‘yan kasi kailangang punuin muna yung isang drum bago tumanggap,” sabi naman ni Paolo Gatmaitan, isa pang car wash boy.

Sa abiso ng Manila Water, makararanas ng water interruptions ang kanilang mga kliyente sa Quezon City mula alas-5 ng hapon ng Huwebes hanggang alas-4 ng umaga ng Biyernes.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.