Alkalde sa Ilocos Norte, nanuntok umano ng dating pari

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 10:25 PM | Updated as of Mar 14 2019 11:01 PM

BACARRA, Ilocos Norte - Inireklamo ng isang dating pari ang alkalde ng bayan ng Bacarra dahil sa umano'y panununtok nito sa kaniya.

May sugat sa ilong at pagitan ng kaniyang mata ang dating pari na kakandidatong konsehal sa Bacarra na si Antonio Molina.

Aniya, sinuntok siya ni Mayor Nicomedes dela Cruz.

Dagdag pa ni Molina, may medical mission ang isang religious group sa barangay hall ng Buyon nang biglang dumating si Dela Cruz.

Galit umano ito dahil hindi man lamang siya nasabihan tungkol sa nasabing gawain.

Kinunan ni Molina ng bidyo ang alkalde, na lalo nitong ikinagalit. Tinabig ni Dela Cruz ang cellphone ni Molina at saka umano ito sinuntok.

"Sabi niya, ikaw na nagmamagaling na pari, kasi dati akong pari hanggang sa sinuntok na niya ako," ani Molina.

Pero paliwanag ni Dela Cruz, hindi naman niya sinuntok si Molina at inagaw lamang ang cellphone.

"Sinubukan kong agawin ‘yung video niya eh ang ginawa niya. Inakmahan niya ako, parang gusto niya akong suntukin. Ewan ko na, hindi ko naman sinuntok," aniya.

Dagdag pa ng alkalde, sana umano ay sumunod sa protocol ang mga magsasagawa ng proyekto o programa sa kanilang bayan para na rin sa seguridad at proteksiyon ng kaniyang nasasakupan.

"Any program, projects, and activities conducted by any group or individuals in a certain locality, he should ask permission first from the local chief executive most especially they are giving medicines," ani Dela Cruz.

Desidido sina Molina at Dela Cruz na magsampa ng kaso laban sa isa't isa.

Makakalaban ng anak ni Dela Cruz sa pagka-alkalde sa Bacarra sa darating na halalan ang barangay chairman ng Buyon.