ALAMIN: Pagkakaiba ng El Niño, dry spell, at meteorological drought

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 06:31 PM | Updated as of Mar 14 2019 08:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ano nga ba ang kaibahan ng El Niño phenomenon, dry spell, at meteorological drought?

Ayon kay Annaliza Solis, climate monitoring chief ng state weather bureau na PAGASA, ang dry spell at drought ay parehong epekto ng El Niño.

"'Yong El Niño po na sinasabi natin, ito po 'yong pag-init ng temperature sa Dagat Pasipiko na nakakaapekto sa atin," sabi ni Solis sa panayam ng radyo DZMM.

Dry spell ang epekto ng El Niño kapag nabawasan ng 60 porsiyento ang rainfall o tubig-ulan na kadalasang natatanggap ng isang lugar sa loob ng 3 magkakasunod na buwan, ayon kay Solis.

Dry spell din umano kapag nabawasan ng higit 60 porsiyento ang rainfall sa isang lugar sa loob ng 2 magkasunod na buwan.

"Kung mayroon kang 100 millimeters of rain na natatanggap sa isang buwan, so mga around 40 millimeters lang po 'yong natatanggap niyo," ani Solis.

Maituturing namang meteorological drought kapag higit 60 porsiyento na ang kabawasan sa tubig-ulan, ayon kay Solis.

Drought din umano ang tawag kapag umabot sa 60 porsiyento ang kabawasan sa tubig-ulan sa loob ng 5 magkakasunod na buwan.

Isinailalim sa state of calamity ang ilang lugar sa bansa bunsod ng pinsala sa agrikulturang dala ng dry spell.

Ipinag-utos na rin ng gobyerno ang cloud-seeding operations para matubigan ang mga natutuyong sakahan sa mga probinsiya, at itaas ang lebel ng tubig ng mga dam o imbakan ng tubig.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang katapusan ng Mayo pa magtitiis ang Pilipinas sa epekto ng El Niño phenomenon.

Sinabi rin ng NDRRMC na 41 lalawigan sa bansa ang maituturing na nakararanas ng dry spell sa katapusan ng Marso.

Sa katapusan ng Abril, 42 lalawigan ang makararanas ng dry spell habang 22 lalawigan naman ang makararanas ng drought o tagtuyot.

Sa katapusan naman ng Mayo, 33 lalawigan ang makararanas ng drought.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.