P97M halaga ng giant clams, kinumpiska ng NBI

Niko Baua, ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2017 07:23 PM

MANILA — Aabot sa P97 milyon ang halaga ng giant clams at hinihinalaang giant pearls na nakuha ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos mahuli sa isang entrapment operation ang mga suspek.

Hinarang ng Environmental Crime Division (ECD) ng NBI ang 2 sasakyan sa Ermita, Manila, matapos malaman ng mga imbestigador na sakay umano dito ang ibinibentang giant clams.

Nagkunwaring bibili ang mga ahente ng NBI, kung saan kukuhanin nila ang 3 taclobo at 1 giant pearl sa halagang P97 milyon. Ipinagbabawal ng batas ang panghuhuli sa giant clams o "taclobo," dahil bilang na lang ang populasyon nito sa dagat.

“Ang taclobo, ito kasi ay endangered [species]. Maaaring maging extinct ito kapag unhampered ang pagkuha. Iligal ito,” ani Eric Nuqui, hepe ng NBI-ECD.

Sampung suspek ang naaresto, kabilang si Jesusalora Oliva. Ani Oliva, isang Len Quibral ang may-ari umano ng mga taclobo, na siyang nag-utos sa kanilang maghanap ng bibili sa mga ito.

Ani Oliva, hindi nila alam na iligal ang pagbenta sa giant clams.

“Nasa dagat lang iyan, kinukuha lang nila doon,” aniya.

Ayon sa NBI, kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na tunay ang mga taclobo, pero ipapasuri pa kung tunay ang higanteng perlas.

Bihirang-bihira raw kasi ang makahanap ng giant pearl at masyadong mura ang kanilang benta, kung tunay man ito.

Giit din ni Oliva na totoo ang mga taclobo, na kinukuha sa Surigao, Palawan, at Mindoro.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Fisheries Code, kung saan posibleng makulong sila ng aabot sa 8 taon.