MANADO, INDONESIA - Ipinakilala ng Konsulado sa Manado, Indonesia ang Pilipinas sa mga batang Indonesian, edad tatlo hanggang limang taong gulang sa isang face-to-face event noong March 7, 2023. Ang mga bata ay mga mag-aaral mula sa Eben Haezar Christian School na pinangunahan ng kanilang Kindergarten Principal na si Ms. Emiliya Doranggi.
Mga batang Indonesian mula sa Eben Haezar Christian School na bumisita sa Konsulado ng Pilipinas sa Manado, Indonesia
Ipinaliwanag din ni Consul General Angelica C. Escalona sa mga bata kung ano ang bahaging ginagampanan ng Konsulado sa bansa. Ipinakita rin sa kanila ang ilan sa mga pagkakakilanlang natatangi sa Pilipinas tulad ng pambansang bandila, Philippine eagle, Mayon Volcano, ang paboritong panghimagas na halo-halo at ang katutubong sayaw na tinikling.
Pinaglaro din ang mga bata ng pabitin na karaniwang pinapalaro tuwing may pyesta. Pinatikim din ang mga mag-aaral ng mga popular na tinapay ng ‘Pinas tulad ng pande coco, pandesal at Spanish bread.
Ipinakilala ng Konsulado ang Pilipinas sa mga bata at pinaglaro rin sila ng pabitin
Ipinahayag naman ni Ms. Doranggi ang kanyang pagbibigay halaga sa programa ng Konsulado para magbigay kaalaman sa mga batang Indonesian patungkol sa Pilipinas.
Tinitiyak ng Konsulado ang pagpapatuloy ng kanilang mga proyektong mas lalo pang magpapatibay sa magandang relasyon ng PiIipinas at Indonesia.