PatrolPH

Sinas di nag-screening sa M. Oriental nang maanunsiyo ang COVID-19 diagnosis

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2021 07:17 PM

Sinas di nag-screening sa M. Oriental nang maanunsiyo ang COVID-19 diagnosis 1
Retrato mula sa Oriental Mindoro PIO

MAYNILA - Hindi dumaan sa health screening protocol si Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas nang magpunta ito ng Oriental Mindoro at nagpositibo sa COVID-19, ayon sa lokal na pamahalaan. 

Ayon sa provincial government ng Oriental Mindoro, dumating si Sinas sakay ng helicopter bago dumiretso sa PNP Regional Headquarters.

Hindi umano dumaan sa pier ng Calapan City si Sinas kung saan isinasagawa ang health screening at clearance, bagay na anila'y kanilang "ikinalungkot".

"Si Gen. Debold Sinas ay hindi dumaan sa pier ng Calapan at hindi siya kabilang sa mga na-profile na kawani ng PGOM (Provincial Government of Oriental Mindoro). Siya ay dumating sa lalawigan lulan ng helicopter," anila sa pahayag.

Watch more on iWantTFC

"Ikinalulungkot ng Pamahalaang Panlalawigan ang pangyayaring ito," dagdag nila. 

Nilinaw din ng provincial government na ang pagpunta ni Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor sa Mimaropa PNP regional headquarters ay para talakayin ang vaccination rollout at contact tracing efforts ng lalawigan at hindi para salubungin si Sinas. 

Tiniyak naman ng LGU na sumunod sa health protocols ang mga opisyal na nakasalamuha ni Sinas. 

“Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan na sa panahong si PAMD Dolor at ang iba pang mga kawani ng PHO ay nasa kampo, siniguro nilang na-observe ang minimum health protocols,” ayon sa LGU. 

Dahil sa nangyari, inutos ng Mimaropa regional police ang malawakang contact tracing sa mga pulis na nakasalamuha ni Sinas. 

Matatandaan na iniugnay si Sinas sa paglabag ng COVID-19 health protocols dahil sa mañanita sa kalagitnaan ng lockdown noong Mayo, na lumabag umano sa 10 people limit sa mga gathering noong hepe pa siya ng Metro Manila police. Noon, nasa modified enhanced community quarantine pa ang Kamaynilaan. 

-- May mga ulat ni Job Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.