Curfew hours, liquor ban ipatutupad sa Pateros

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2021 02:33 PM

MAYNILA - Ipatutupad simula Sabado ng gabi ang curfew hours at liquor ban sa bayan ng Pateros.

Ayon kay Mayor Miguel Ponce, mabilis ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar. Kung dati ay nasa dalawa lamang ang naitatalang kaso ng nagpopositibo sa virus, nitong Biyernes, nasa 76 na ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 at posibleng dumami pa ito.

“Kami na lang ang 2 digits sa kalakhang Maynila dahil kami naman ang pinakamaliit pero marami 'yun kung ire-ratio natin sa population,” sabi ni Ponce.

Kaya bilang pag-iingat, paiiralin ang curfew hours at liquor ban mula alas-10 ng gabi hanggang ala-5 ng madaling araw.

Watch more News on iWantTFC

Mas hinigpitan din ang pagpapatupad sa health protocols tulad ng pagdala sa holding area ng mga mahuhuling walang suot na face mask at face shield at hindi sumusunod sa physical distancing.

Nakikipag-ugnayan na rin ngayon ang Pateros sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil may 40 OFWs ang dinala sa kanilang lugar nang wala man lamang kaukulang koordinasyon.

“Nagkakaroon nga kami ng problema ngayon dahil may dinala ang OWWA sa amin 40 OFWS na galing sa ibang bansa na walang 
koordinasyon kaya nagkakagulo kami ngayon. Pinasok sa isang hotel dito kagabi, pinatakbo ko sa mga pulis ngayon, nagmi-meeting kami para pag-usapan ito,” sabi niya.

Sabi ni Ponce, hindi mga residente ng Pateros ang mga OFW at meron lamang umanong middleman na naghahanap ng hotel at nakakita ng isang 3-star hotel sa bayan kaya doon dinala nang walang koordinasyon sa local government.