Oriental Mindoro sasailalim sa community quarantine kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2020 06:30 PM

MAYNILA — Sasailalim sa isang "'voluntary community quarantine" ang buong Oriental Mindoro simula Marso 14, Sabado, hanggang Marso 25, batay sa desisyon nitong Biyernes ng pamahalaang-panlalawigan, upang agapan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ipinasa ang resolusyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na pinamumunuan ni Gov. Humerlito "Bonz" Dolor.

Kaakibat nito ang travel restriction at pagsuspinde sa lahat ng klase. 

Maaalalang noong Huwebes ay inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasailalim sa "community quarantine" ang Metro Manila simula Marso 15, Linggo, hanggang Abril 14 dahil sa patuloy na paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, na itinuturing nang pandemic sa buong mundo.

Sa huling tala, 52 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, 5 dito ay namatay.

Nakataas na rin ang COVID-19 alert level ng bansa sa Code Red, Sub-level 2, ang pinakamataas na antas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.