PatrolPH

Kasalan sa panahon ng COVID-19, bawal din ba?

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2020 04:07 PM | Updated as of Mar 13 2020 06:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaan ang social distancing, kabilang na dito ang pagbabawal sa mga mass gathering bilang hakbang laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pero marami na ring Pilipino ang nakapag-schedule na ng kanilang kasal bago pa ibaba ang community quarantine sa Metro Manila, na magsisimula sa Linggo. 

Kaya naman suhestiyon ng awtoridad, kung maaari ay ipagpaliban muna ang pag-iisang dibdib o 'di kaya ay limitahan na lamang ang mga dadalo sa mga kasalan na nakatakda sa loob ng quarantine period.

"Hindi mapipigilan ang pag-ibig," pahayag ni Trade Secretary Ramon Lopez. "Bawasan na lang nila 'yung guests. 'Yung social distancing kailangang ma-observe. Bawal ang mass gathering."

Huwebes nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilalagay sa community quarantine ang kalakhang Maynila simula Linggo hanggang Abril 14. Pinalawig ang suspensyon ng klase hanggang Abril 12 at bawal muna ang mga mass gathering.

"Prohibited po," pangiting tugon ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nang hingan ng payo tungkol sa mga ikakasal sa loob ng quarantine period.

"Arms length ang sinasabi namin lagi. Arms length ang distancing ng bawat isa. Sa wedding, paano magki-kiss ang couple? Paano 'yung distansiya nung couple? Ang daming adjustments na kailangang gawin," sabi niya. 

Paglilinaw ni Nograles, hindi pa nila napaplantsa ang guidelines patungkol dito.

"Hindi pa namin masinsinang pinag-usapan ang wedding per se. Doon pa kami sa general mass gathering," paliwanag niya. 

Pero para sa kaniya, mainam sanang palipasin muna ang sitwasyon ngayon. 

"Alam natin na timeless at boundless naman ang pag-ibig. What is one month postponement for love?" sabi niya.

Samantala, hinimok naman ni Lopez ang publiko na magsampa ng reklamo sa Department of Trade and Industry sakaling tanggihan sila ng refund ng establisimyento.

"Paano 'yung magka-cancel ng na-book na hotel, restaurant? Dapat may refund kasi force majeure po 'yun. Wag silang matakot kung ayaw i-refund. Puwede silang mag-file ng complaint sa DTI Consumer Complaint 1384 hotline," sabi ni Lopez.

Tiniyak ni Lopez na papanigan sila ng DTI para magbigay ng refund ang isang establisyemento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.