Exemption sa NCR travel ban hinihimay pa: Nograles

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2020 12:23 PM

MAYNILA - Patuloy na hinihimay ng awtoridad ang mga detalye hinggil sa usapin ng travel ban sa National Capital Region bunsod ng ipatutupad na community quarantine.

"Ipe-flesh out pa ang details. The general rule is by March 15, travel to and from Metro Manila ay tigil na but maglalagay kami ng exemptions," pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa press briefing sa Malacanang, Biyernes ng umaga.

Ayon kay Nograles, kasama sa itatalagang exemptions ay mga pasyente, cargo supplies, government officials at pribadong sektor.

"Ima-map out natin anong companies, anong industries ang exempted tapos paano ipo-profile 'yung mga workers, galing saan, tapos anong proof ang ipapakita," ani Nograles.

Huwebes ng gabi nang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-angat sa Code Alert System para sa coronavirus disease 2019 (COVID) outbreak sa Code Red Sub-Level 2 na bunsod ng sustained community transmission ng sakit.

"Ang importance n'yan will come into effect during the enforcement. During the enforcement, it has to be very clear to the DILG (Department of Interior and Local Government) and to our police and to our local government units kung ano 'yung exception to the rule and how they will fall under these exemptions," sabi niya.