BASAHIN: Mga kaakibat na patakaran sa pagpapatupad ng community quarantine sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2020 04:50 PM | Updated as of Mar 13 2020 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


MAYNILA (UPDATE) — Isasailalim sa "community quarantine" ang Metro Manila simula Marso 15, Linggo, hanggang Abril 14, Martes, base sa anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes, dahil sa patuloy na paglobo ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, na itinuturing nang pandemic sa buong mundo.

Kaakibat nito, hindi na rin muna papayagan ang lahat ng uri ng biyahe papasok at palabas ng Metro Manila batay sa resolusyon ng Interagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Gayunman, mananatili naman ang operasyon ng public transportation at railways pero dapat siguruhin ng Department of Transportation (DOTr) ang social distancing. 

Sabi ng DOTr, nagbabalangkas na sila ng mga patakaran para maipatupad ang social distancing protocol para makaiwas ang commuters sa COVID-19. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"The Department of Transportation assures the riding public that the guidelines on social distancing, community quarantine, and other transport-related measures to prevent the spread of COVID-19 will be posted soonest in our official social media accounts," ayon sa DOTr. 

Palalawigin din ang suspensiyon ng klase sa Maynila hanggang Abril 12. Maaantala rin ang graduation rites at moving up ceremonies.

Suspendido rin ang trabaho sa lahat ng opisina sa ilalim ng executive branch, maliban sa mga health at emergency workers. 

Mananatiling operational ang Ninoy Aquino International Airport para sa international flights sa mga pasaherong mula at mananatili sa Metro Manila. Ang mga patungo namang probinsiya ay dapat magtungo sa Clark International Airport.

Bawal na din muna sa Pilipinas ang mga dayuhang mula sa mga bansang may kumpirmadong local transmission ng COVID-19, puwera na lamang sa mga may asawang Pinoy, holders ng permanent resident visas, at holders ng diplomatic visas.

Samantala, bawal muna ang malalaking pagtitipon habang epektibo ang community quarantine. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang Archdiocese of Manila, inanunsiyo na wala munang misa at iba pang aktibidad mula Marso 14 hanggang Marso 20.

Ang mga mall naman, hinikayat na limitahan ang dami ng mga taong papapasukin sa kanilang establisimyento. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang mga nagtatrabaho naman sa Metro Manila pero nakatira sa labas ng rehiyon, maaaring makapasok basta't magpresinta ng katibayan ng employment. 

Ang mga taong nagpapagamot sa Metro Manila, kailangan ng medical certificate para mapatunayang sumasailalim nga sila sa medical treatment sa ospital sa National Capital Region. 

Hindi pa malinaw ang iba pang detalye ukol sa quarantine ng Metro Manila, pero babala ng pulisya, may parusa sa sino mang lalabag dito. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO), aabot sa 26,000 pulis ang itatalaga sa gagawing community quarantine.

Hindi pa pinal ang mga isasarang kalye pero asahan na raw ang pagbigat ng daloy ng trapiko dahil dito. 

Sa kanilang plano, lahat ng papasok sa Metro Manila borders ay kailangan ma-check. 
 
Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas, bawal ang pasaway sa mga direktibang gagawin sa community quarantine. 

"Aarestuhin namin ang hindi sumunod. Alangan naman makipag-dialogue pa kami sa kanila... Pero sa Metro Manila you can move freely sa loob," ani Sinas. 
 
Sa huling tala, 52 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, 5 dito ay namatay. 

Nakataas na rin ang COVID-19 alert level ng bansa sa Code Red, Sub-level 2, ang pinakamataas na antas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.