4 patay, 5 sugatan sa salpukan ng bus, van sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2020 04:43 PM

Palaisipan pa rin sa mga awtoridad kung paano nagkabanggaan ang dalawang sasakyan sa Cebu City

COMPOSTELA, CEBU - Apat ang patay habang lima ang sugatan sa salpukan ng isang van-for-hire at ng isang bus sa Barangay Estaca, sa bayan na ito Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon ng Compostela Police Station, galing Daan bantayan ang van at papunta na sanang Cebu City ng mabangga nito ang bus na papuntang Northern Cebu.

Kabilang sa namatay ang isang seaman na lilipad sanang Manila bago ang community quarantine sa National Capital Region sa Linggo dahil sa tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019.

Iniimbestigahan pa ng otoridad kung bakit nagbanggaan ang dalawang sasakyan pati na rin ang alegasyon na nakatulog ang driver ng van na si Patrick Niel Tulo na kritikal ang kondisyon.

Ayon sa nakaligtas na pasaherong si Mark Lester Briones di niya masabing nakatulog ang driver ngunit sinabi niyang mabilis ang kanilang takbo at hindi umano ito dumadaan sa wastong lane.

Aminado naman ang driver ng bus na si Jerry Lubon di na siya nakaiwas dahil bigla nalang bumangga sa kanila ang van.

Hihingin ng mga awtoridad ang CCTV footage ng bus upang tingnan kung ano ang nangyari bago ang aksidente.

Haharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries and damage to property ang driver na mapatunayang responsable sa aksidente.

-- Ulat ni Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.