Tech-voc education libre sa walang trabaho

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 06:34 PM | Updated as of Mar 14 2019 10:34 PM

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na nagbibigay ng libreng technical-vocational education sa mga naghahanap ng trabaho at may mga trabaho pero nais pang palawakin ang mga kakayahan. 

Pinirmahan noong Pebrero 22 ni Duterte ang Republic Act 11230 o "Tulong Trabaho Act," base sa kopya ng batas na nakuha ng ABS-CBN News.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ilalim ng batas, magkakaroon ng "Tulong Trabaho Fund" na magbibigay naman ng scholarship o libreng access sa mga piling technical-vocational education at training program na ilalatag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Maaaring makinabang sa batas ang mga nasa edad 15 na wala pang trabaho, kasalukuyang hindi nag-aaral, at hindi sumasailalim sa ano mang pagsasanay. 

Puwede rin ito sa mga may trabaho na pero gusto pang palawakin ang mga kakayahan. 

Ayon kay Sen. Joel Villanueva, ang principal author at sponsor ng batas, makatutulong ang batas sa paghahanap ng trabaho at pagtugon sa problema ng jobs mismatch.

Ang job mismatch ay tumutukoy sa pagiging hindi tugma ng mga kakayahan at pinag-aralan ng manggagawa sa mga kinakailangan ng trabaho. -- Ulat nina Willard Cheng at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.