Ilang pulis-Cavite, huling natutulog habang naka-duty

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 07:27 AM | Updated as of Mar 13 2019 07:31 AM

CAVITE - Huli sa sorpresang inspeksyon Miyerkoles ng madaling-araw ang ilang pulis sa Cavite na natutulog habang nasa oras ng trabaho.

Nadatnan ni Police Col. William Segun, director ng Cavite Police Provincial Office, ang commander ng Bacao Police Community Precinct sa General Trias City na bagong gising lang.

Magulo ang buhok nito, gusot-gusot ang uniporme, at nakalatag sa kuwarto ang pinagtulugan. Kagigising lang din ng kaniyang 2 tauhan sa pagdating ni Segun.

Sa Rosario Police Station, dinig pa ni Segun ang paghihilik ng imbestigador habang natutulog.

Hindi magising ang pulis kahit nakumpiska na sa kaniya ang baril.

Katwiran ng pulis, masama ang kaniyang pakiramdam at nagpahilot lang siya.

Nahuling bagong gising din ang 2 pang pulis ng estasyon.

Mahaharap sa reklamong neglect of duty ang mga pulis na nahuling natutulog sa oras ng duty habang pagpapaliwanagin din ang kanilang hepe. - Ulat ni Dennis Datu, ABS-CB News