PatrolPH

Hinihinalang miyembro ng NPA huli matapos ang engkuwentro sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 06:44 PM

KABANKALAN CITY, Negros Occidental - Isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang nadakip sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng mga rebelde at ng militar sa Barangay Salong, Kabankalan City Martes ng hapon.

Sa ulat mula sa 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, nagsasagawa ng combat operation ang tropa ng 15th Infantry Battalion sa naturang barangay nang makasagupa nila ang 9 na armadong tao na umano'y miyembro ng NPA.

Tumagal ng 5 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang grupo.

Isang hot pursuit operation ang isinagawa ng militar matapos makatakas ang mga rebelde.

Dito na nadakip ang 21 anyos na si alyas "July." Nakuha mula sa kaniya ang isang 9mm pistol, improvised shotgun, hand grenade, extortion letter, at iba pang kagamitan.

Wala namang naiulat na nasugatan sa hanay ng militar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.