PatrolPH

El Niño patuloy ang pananalasa sa agrikultura

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 07:25 PM

Patuloy ang pamiminsala ng El Niño sa iba't ibang rehiyon na dapat sana'y namumukadkad sa produksiyon ng kanilang mga pananim. 

Ang magsasakang si Domingo Serbito, umaaray dahil ang 20 ektaryang maisan niya sa Barangay Sinawal, General Santos City ay di na daw mapagkakitaan. 

Aniya, P200,000 daw ang kapital nila pero nasira na ng tagtuyot ang mga ito.

"Wala na tayong magagawa kundi tanggapin ang pagkalugi," sabi ng magsasaka. 

Sa ulat ng City Agriculture Office ng GenSan, pinakamatinding napinsala ang mga maisan sa Barangay Sinawal. Apektado rin ang apat pang barangay. 

Sumatotal, aabot sa 120 ektarya ng maisan ang napinsala dahil sa labis na tagtuyot. 

Irerekomenda ng opisina na isailalim sa state of calamity ang mga apektadong barangay sakaling lumala ang epekto ng tagtuyot.

Isasailalim na rin umano sa "cash for work" program ang mga apektadong magsasaka.

Bukod sa GenSan, apektado rin ang mga maisan sa South Cotabato.

Sabi ng magsasakang si Connie Alvarez, hindi tutubo ang mga pananim sa matinding init.

Ayon sa Provincial Agriculture Office, umakyat na sa halos P140 milyon ang pinsala ng matinding init sa mga maisan sa mga bayan ng Banga, Sto. Niño, at Surallah na puwede nang magdeklara ng state of calamity.

Hindi naman daw nagkulang ang probinsiya sa paalala sa mga magsasaka.

"Last semester pa of 2018, na-inform na namin sila na may mangyayaring El Niño, na-forecast na siya," sabi ni provincial agriculturist Justina Navarette.

Sa Albay naman, tinatayang nasa 940 ektarya ng palayan ang apektado ng dry spell.

Sa Barangay Tandarora, Guinobatan, Albay, halos lahat ng sakahan ay apektado ng dry spell. May mga pananim na natuyo na habang ang iba pinapakain na lang sa mga alagang hayop. 

"Expected po natin talaga na bababa ang production," sabi ni Stephen Oli, municipal agriculturist ng Guinobatan.

Pebrero nang opisyal na ianunsiyo ng PAGASA na may paparating na El Niño. 

—Ulat ni Jay Dayupay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.