Basurang napakinabangan: Mga kubo naitayo mula sa ecobrick

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 01:15 PM

Nagsilbing tambayan ng mga estudyante at mga guro ng Sto. Niño Sur Elementary School ang mga kubo na gawa sa mga ecobrick. Screengrab

Imbes na itapon ang mga plastic, ginamit ito ng mga estudyante, magulang, at guro para gawing materyales sa paggawa ng bahay kubo sa loob ng isang paaralan sa Iloilo City.

Nagsilbi ngayong atraksiyon sa Sto. Niño Sur Elementary School sa Iloilo City ang ecobricks bahay kubo na pawang gawa sa plastic ang pader, bubong, at mga palamuti.

Nagsilbi itong tambayan ng mga estudyante at guro tuwing break time.

Ikinatuwa ng science teacher na si Salvacion Tipon ang pagpursige ng mga bata sa pagbuo ng bahay kubo.

"'Yung mga bata nakita mo sa kanila na talagang pursige sila sa pag ipon ng mga basura at nakita na ang mga basura ay napakinabangan pa," aniya.

Mismong mga estudyante, magulang, at guro ang nagtulungan para maipatayo ang naturang bahay kubo.

Mahigit 500 kilo ng plastic mula sa komunidad ang kanilang naipon para magawa ang bahay kubo.

Plano ng paaralan na dagdagan at pagandahin pa ang disenyo ng bahay kubo.

-- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.