PatrolPH

Babaeng nagtapon ng sanggol sa basurahan, kinasuhan

Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 03:14 PM

Babaeng nagtapon ng sanggol sa basurahan, kinasuhan 1
Binawian din ng buhay ang sanggol tatlong oras matapos itong dalhin sa ospital. Larawan mula kay Derek Bautista

CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ang isang 19-anyos na babaeng pinaniniwalaang nagpalaglag at nagtapon sa isang sanggol sa basurahan sa Alwana Compound, Barangay Cugman noong Marso 9.

Nakita ng mga batang namumulot ng basura sa lugar ang sanggol na nakabalot pa sa supot sa loob ng isang drum.

"Umiiyak yung bata sa loob ng drum, binalot ng plastic kaya ipinaalam namin sa ibang tao sa paligid," sabi ng 12-anyos na si “Arjun”.

Ayon kay Police Captain Allan Cairel, agad na dinala sa Northern Mindanao Medical Center ang sanggol pero makalipas ang tatlong oras ay binawian rin ito ng buhay.

Sa follow-up operation naman nahuli ang babae na nagpadala rin sa ospital dahil umano sa reklamong pananakit ng tiyan.

"Ang duda ko inabort niya pero ‘di siya umaamin. Imposible na lumabas yung bata hindi ka humingi ng tulong. Ang ginawa niya nagtago, saka yung sanggol sa basurahan pa nakita," sabi ni Cairel.

May probable cause na nakita ang piskal para kasuhan ang ina ng infanticide kaya nai-commit na ito sa Cagayan de Oro City Jail.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.