Training plane bumagsak sa sakahan; 2 sugatan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 05:59 PM

Sunog na sunog ang training plane na Cessna 152 matapos bumagsak sa isang sakahan sa Binalonan, Pangasinan, Marso 13, 2018. Sugatan ang piloto at student pilot nito na agad na isinugod sa pagamutan. Photo courtesy of the Binalonan Police


BINALONAN, Pangasinan – Sugatan ang dalawang sakay ng isang training plane matapos itong bumagsak sa isang sakahan dito, Martes ng umaga.

Bandang alas-7 ng umaga nang bumagsak sa Barangay Linmansangan ang Cessna 152 aircraft.

Sunog na sunog ang naturang eroplano na sakay ang pilotong si Captain Bruce Sinaking at student pilot na kinilalang si Marcus Lim.

Mabilis namang rumesponde ang mga nakakitang residente at agad nadala sa ospital ang dalawang sakay ng eroplano.

Sa imbestigasyon, nag-take off sa Binalonan airfield ang eroplano nang mapansing may nasusunog sa hindi pa masabing bahagi nito

“Parang may apoy kung saang part ng aircraft po ‘yun. Siyempre, nag-emergency landing na po siya,” sabi ni Insp. Arnel Rivera.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines at Philippine National Police Aviation Security Group sa naturang pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.