Lalaking nagpaputok umano ng baril, arestado sa Ilocos Norte

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 02:34 PM

Itinanggi ng magsasakang inirereklamong nagpapaputok ng baril sa kanilang lugar na sa kaniya ang baril at mga balang nakuha ng awtoridad mula sa kaniyang bahay sa Marcos, Ilocos Norte, Marso 13, 2018. Kim Lorenzo, ABS-CBN News

MARCOS, Ilocos Norte – Isang magsasaka ang inaresto ng awtoridad dito dahil umano sa pag-iingat ng baril, Martes ng umaga. 

Ayon sa imbestigasyon, nakuha sa tahanan ni alyas James ang isang kalibre .38 na baril at anim na bala.

“Positive 'yung operasyon natin. 'Yung mga ebidensiya nakuha natin sa mismong kuwarto sa kaniyang bahay,” ani Chief Insp. Adriano Licudan.

Ayon kay Licudan, madalas na naire-report ang suspek dahil sa pagpapaputok ng baril sa kanilang barangay.

“Maraming report tayo na nakukuha na nagpapaputok siya ng baril at ‘yung mga nakuha nating mga kapsula ay puwedeng isa sa pagpapatunay dito,” dagdag ni Licudan.

Depensa naman ni James na hindi sa kaniya ang mga ito.
 
“Hindi sa akin ‘yan. Mula bata ‘di pa ako nakakakita ng baril at nakahawak. Planted 'yan,” pahayag ni James.

Nahaharap siya ngayon sa kasong pag-iingat ng baril at mga bala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.