AWOL na pulis, tiklo sa pagtutulak ng droga online

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 02:44 PM

Naaresto ng kaniyang mga kabaro si PO2 Kristofferson Reyes, isang AWOL na pulis, at isa pang kasama sa ginawang entrapment operation ng awtoridad sa bayan ng Taysan, Batangas, Marso 12, 2018. Albert Lumbera, ABS-CBN News


BATANGAS CITY - Kalaboso ang isang AWOL na pulis at kasamahan nito sa ikinasang entrapment operation ng awtoridad sa Barangay Libjo nitong Lunes.
 
Nahuli ng pinagsamang puwersa ng Drug Enforcement Unit ng Batangas City Police at ng Provincial Intelligence Branch ng Batangas Police Provincial Office si Police Officer 2 Kristofferson Reyes, alyas Kris, isang AWOL na pulis at kasamang si Henry Banaira, alyas Henry; kapwa residente ng Barangay Poblacion East sa bayan ng Taysan.

“We will just send a very strong message to the public even kabaro pa natin o dati nating kabaro,” sabi ni Superintendent Wildemar Tiu, hepe ng Batangas City Police.

Narekober sa mga suspek ang isang cellphone, isang .9MM na baril na may 19 na bala, isang itim na bag at dalawang bulto ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga umano ng P23,000.

Taong 2016 pa umano nang mag-AWOL ang pulis at simula noon ay nasasangkot na ito sa mga ilegal na transaksiyon.

Ipinakita rin ng pulisya ang kanilang pag-uusap ng AWOL na pulis hinggil sa transaksiyon sa pagbebenta ng droga. Sinabi pa ng suspek na mas mura pa raw ang kaniyang benta sa shabu na umano’y mas mahal daw kung sa iba bibilhin.

Dagdag naman ni Tiu na ang mga suspek ay gumagamit na rin ng teknolohiya o online transaksiyon para makapagbenta ng droga. Maging ang pagbabayad sa droga ay sa pamamagitan na rin ng remittance sa bangko o wire transfer.

Base rin sa intelligence gathering ng pulisya, natukoy nilang sa loob ng New Bilibid Prison kinukuha ng mga suspek ang kanilang supply ng ilegal na droga.

Mariin namang itinanggi ng isa sa mga suspek ang mga paratang sa kanila.

“Alam po ng mga taga sa amin malinis po kami. Wala po akong alam dito. Wala,” ayon kay Kris.

Mahaharap silang 2 sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 bukod pa raw dito ang kahaharaping kaso ng AWOL na pulis na paglabag sa Republic Act 10591 o firearms law dahil sa dala nitong baril. Posible rin daw siyang maharap sa kasong administratibo dahil sa hindi pagsasauli ng baril na inisyu sa kaniya ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.