3 insidente ng tangkang kidnapping, naitala sa Meycauayan, Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 07:47 PM | Updated as of Jan 14 2020 06:16 PM

Watch more in iWantTFC

Tatlong insidente ng tangkang pagdukot sa tatlong menor de edad ang naitala sa Barangay Perez at Barangay Malhacan sa Meycauayan, Bulacan. 

Papasok sa eskuwelahan ang 13 anyos na batang lalaki ng hintuan umano ito ng isang kulay blue na van malapit lamang sa kanilang bahay sa Barangay Perez nitong umaga ng Martes.

Tinangka umano siyang isakay sa isang van ng mga lalaking nakatakip ang mga mukha.

Pero ayon sa biktima, nakapiglas at nakatakas siya sa mga kidnapper.
 
Agad nag-report sa Meycauayan Philippine National Police (PNP) ang magulang ng bata.

Nitong Pebrero lang, isang insidente sa Barangay Malhacan ang nai-report kung saan may 16 anyos na babaeng nakatakas din umano sa mga nagtangkang dumukot sa kaniya.

Sakay naman daw ng isang puting van ang mga suspek. 

Ayon sa biktima, may iba pang bata na sakay ng van at nakatakas lang siya at dalawang iba pa nang huminto ang van at magbukas ang pintuan nito sa bahagi ng Guiguinto, Bulacan. 

Nais ng pamilya ng biktima na maaresto ang mga di pa natutukoy na kidnappers.
 
Noong Pebrero 26 naman, naaresto ng mga tanod at Meycauayan PNP ang isang babae sa tangkang pagdukot sa 6 anyos na lalaki sa Barangay Perez.

Ayon sa pulisya, may nakakita sa suspek na kinilalang si Jordan Puod habang tinatangay ang batang biktima.

Aminado naman ang suspek sa tangkang pagdukot.

Nakapaskil na sa ilang eskuwelahan sa Meycauayan ang larawan ng naarestong suspek bilang paalala sa mga magulang. 

Siniguro naman ng Meycauayan PNP na mahigpit ang kanilang ginagawang pagpapatrolya para maiwasan ang ganitong pangyayari.

Nanawagan din sila sa mga taga-Meycauayan na itawag sa kanilang tanggapan sakaling maulit ang ganitong insidente. 

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.