17 lalaki arestado dahil sa ilegal na sabong sa Ilocos Norte

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 02:19 PM | Updated as of Nov 20 2018 07:09 PM

 

Nakuha ang 11 na manok panabong mula sa 17 lalaki na inaresto dahil sa ilegal na sabong. Kim Lorenzo, ABS-CBN News

DINGRAS, Ilocos Norte - Arestado ang 17 lalaki sa bayang ito matapos umanong mahuli sa ilegal na sabong sa isang barangay nitong Lunes.

“May nag-text sa atin na nagsasagawa ang mga ito ng sabong sa Barangay Marcelino at naaktuhan natin sila sa lugar kaya hinuli natin sila,” ani Supt. Relly Arnedo, hepe ng pulisya sa bayan.

Nakumpiska sa kanila ang 11 panabong na manok na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P10,000 bawat isa, at 14 piraso na gaffer.

Ayon sa pulisya, walang naipakitang permit ang mga ito.

Depensa naman ng ilan sa kanila, bahagi ang sabong ng fiesta sa kanilang barangay. Matagal nang tapos ang kapistahan sa lugar.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 449 o Cockfighting Law ang mga ito.