Teenager, patay sa pamamaril sa Caloocan; kasama, sugatan

Micheal Delizo, DZMM

Posted at Mar 13 2017 11:14 AM

MANILA - Napaslang ang isang teenager habang sugatan naman ang kanyang kasamahan matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang gunman sa Barangay 180, Caloocan Linggo ng gabi.

Batay sa imbestigasyon, sakay ng hiwalay na motorsiklo sina Gandy Alagren, 19 anyos at Denmark Abutaco, 17 anyos nang pagbabarilin ng 2 armadong lalaki sa kanto ng Sanana Road at Little Baguio Street sa Phase 6.

Tinamaan si Alagren sa iba't ibang parte ng katawan, dahilan ng agaran niyang pagkamatay, sabi ni SPO4 Renato Florentino ng Caloocan police.

Nakatakbo naman anya si Abutaco bagama't nadaplisan ng bala ng baril sa dibdib.

Nakatakas ang mga hindi nakilalang suspek.

Nahihirapan ang pulisya na tukuyin ang motibo sa krimen dahil tumangging magbigay ng kooperasyon ang ilang saksi.

Narekober sa crime scene ang 9 na basyo ng kalibre .45 na baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.